PatrolPH

Ilang guro hirap mag-adjust sa distance learning, iniisip nang magretiro

Jasmin Romero, ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2020 01:53 PM | Updated as of Aug 20 2020 07:55 PM

MAYNILA - Sa loob ng 28 taon niyang pagtuturo, nasanay ang guro na si Genie Cuanan sa paggamit ng mga papel at libro. Bihira umano siyang gumamit ng teknolohiya.

"'Yong mga output na ginagawa namin mga manual lang. Pupuwede naman 'yong traditional Manila paper, tapos ipe-presenta sa klase. Doon ako nasanay," sabi ni Cuanan, 59.

"Sanay ako sa titingin sa libro kung sakaling may kailangan ako. 'Di na ako hahawak ng computer... magpapa-research ako sa anak ko, magpapatulong ako," kuwento niya.

Pero nang tumama ang pandemya at napilitan ang mga guro na mag-adjust sa distance learning, nahirapan umano si Cuanan na matuto ng paggamit ng teknolohiya. Naisipan pa umano niyang tumigil na lang sa trabaho.

"Ang sabi ko, mag-early retirement na lang ako 'pag di talaga ko matuto kasi mahihiya ako sa bata. Mas marunong pala sila sa akin kesa ako ang magtuturo, eh ako ang teacher," ani Cuanan.

Isa si Cuanan sa mga itinuturing na "technologically challenged" at sumasailalim sa skills training ng Department of Education.

Nakahinga rin nang maluwag si Cuanan nang inanunsiyo ng ahensiya na iniurong ang school opening sa Oktubre 5 mula Agosto 24.

"Pabor sa akin. Sabi ko, 'yes, medyo madadagdagan 'yong nalalaman ko,'" ani Cuanan.

Ayon kay Cuanan, mas nagkaroon na siya ng kumpiyansa sa paggamit ng teknolohiya.

Pero hindi lahat ng guro ay katulad ni Cuanan. Mayroong mga gaya ni Myrna Getsupa, 57, na na-overwhelm sa pagsasanay.

"Sobrang hirap na gumamit ng gagdets. Naiistorbo ang mga anak ko kasi 'pag humihingi ako ng tulong," ani Getsupa.

Kaya binabalak na umano ni Getsupa na mag-retiro.

"Balak ko this month mag-evaluate sa GSIS at kung [lalabas] sa computation nila na okay naman at kaya na buhayin ako, mag-retire na po talaga ako," aniya.

Aminado naman ang Department of Education na mayroon talagang mga gurong hirap gumamit ng teknolohiya.

"Hindi naman lahat gagamit ng online so 'yong mga hindi gagamit, 'wag na lang silang i-assign sa mga learner online," ani Education Undersecretary Diosdado San Antonio.

Ayon naman kay Teachers' Dignity Coalition Chairman Benjo Basas, hindi dapat umalis sa trabaho ang mga gurong hirap sumabay sa teknolohiya.

"'Di naman ganoon kalaki ang pangangailangan na maging tech-savvy ka kasi may modular approach... pero kailangan ding makisabay," ani Basas.

Dapat umanong magkaroon ng special training ang DepEd para sa matatandang guro upang matulungan ang mga ito na makatugon sa mga pangangailangan ng distance learning.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.