PatrolPH

Ibaloy tribe sa Pangasinan binigyan ng hygiene kits ngayong pandemya

Elaine Fulgencio, ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2020 06:42 PM

SAN NICOLAS, Pangasinan — Nabiyayaan ang isang tribo sa bayan na ito ng ilang kagamitang magagamit nila para maiwasan ang hawahan ng COVID-19.

Ayon sa chieftain ng Ibaloy tribe sa San Nicolas, may pangamba rin sila sa pandemya kaya malaking tulong ang libreng hygiene kits na ibinigay ng National Commission on Indigenous People (NCIP) at local government unit (LGU).

Kabilang sa kits ang alcohol at face masks. 

Pero bukod dito, hiling din ng Indigenous Peoples (IPs) ang iba pang programa para sa kalusugan, trabaho at maayos na daan sa kanilang lugar.

"Kasi ngayong tag-ulan mahirap kaming magbaba ng produkto," ani Ramon Cayabas, chieftain.

Ayon kay Mayor Alicia Enriquez, inihahanda na raw ang pagsasaayos ng kanilang kalsada.

"Considering na they belong sa isolated areas mahirap talaga yung access nila lalo sa basic needs," ani Mayor Alicia Primicias-Enriquez.

Pagtatanim ng gulay at prutas ang pangunahing pinagkakakitaan ng IPs sa bundok, pero bukod dito ay may mga inihahanda na daw na iba pang programang pangkabuhayan para sa kanila. 

"Tapos na yung ating strategic plans for IPs sa mga nutrition, health in collaboration with other agencies," ani NCIP provincial officer Dr. Enrique delos Santos, Jr.

Sa tala ng NCIP, higit 16,000 na ang populasyon ng IPs sa Pangasinan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.