Higit kalahati ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa Western Visayas, naitala sa Bacolod

Mitch Lipa, ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2020 12:07 AM

BACOLOD - Nasa 52 bagong kaso ng COVID-19 ang naitala sa lungsod ng Bacolod nitong Miyerkoles. 

Ayon sa Department of Health-Region 6, higit 59 porsyento ito ng mga bagong kaso ng Western Visayas, na aabot sa 93.

Ang 48 sa mga bagong kaso ng Bacolod ay naitala sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital Molecular Laboratory, habang ang 4 naman ay sa Bacolod Queen of Mercy Hospital Molecular Laboratory na isang private hospital.

Sa kabuuan, mayroong 604 na ang nagpositive sa virus sa Bacolod, at 21 pa dito ang naka-admit sa ospital.

Ang lalawigan naman ng Negros Occidental ay may bagong 17 coronavirus patients.

Sa kabuuan, nasa 3,074 na ang naitalang inpeksyon sa Western Visayas, ayon sa DOH-6, at 1,390 dito na ang naka-rekober habang 46 naman ang namatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.