MAYNILA - Ipinagtanggol ng Department of the Interior and Local Government ang bagong patakaran sa paggamit ng mga motorcycle barriers.
Ito ay matapos ilabas ng ahensiya ang direktibang puwede nang walang barrier kung mag-asawa o nakatira sa iisang bahay ang magka-angkas.
Sa Teleradyo, sinabi ni DILG Undersecretary Jonathan Malaya na maaari pa rin namang magamit ang barrier kapag ang magkaangkas ay kamag-anak na hindi kasama sa bahay.
"Hindi po talaga sayang 'yang barrier na 'yan kasi po yan ay implementasyon lamang noong ating physical distancing rules," ani Malaya.
Maaari rin aniyang magamit ang barrier kapag hindi authorized persons outside residence ang sasakay sa motorsiklo.
Unang pinayagan ng IATF na sumakay sa motorsiklo nang magkaangkas ang mga mag-partner, basta't may dala silang mga acrylic barrier para masundan ang physical distancing kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19)
Kalauna'y nagdesisyon ang pamahalaan noong Martes na hindi na kailangan pa ng motorcycle barriers kung magkaangkas at nakatira naman sa iisang bahay.
Bagay ito na binatikos ng mga nakabili na ng barriers nang sabihin ng Inter-agency Task Force na kakailanganin ng mga magkaangkas ang barrier bago pa bumiyahe.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, transportation, transportasyon, motorcycle barriers, DILG, Inter-agency Task Force