Bata patay sa pagbaha sa Laguna

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2020 05:02 PM | Updated as of Aug 21 2020 01:17 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Natagpuan ngayong Huwebes ang bangkay ng isang bata na nawala sa gitna ng pagbaha sa Santa Rosa, Laguna kasunod ng pag-apaw ng isang ilog sa lungsod.

Umapaw ang ilog noong Miyerkoles nang bumigay ang river wall sa dami ng tubig.

Natagpuan sa Barangay Aplaya ang bangkay ng 10 taong gulang na lalaki, na Miyerkoles pa hinahanap ng kaniyang ama matapos mahulog sa ilog sa Barangay Labas.

Ayon kay Romilo Pintang, ama ng bata, hindi niya alam na pumunta sa may ilog ang anak at nakipaglaro.

Inireklamo naman ng ilang residente ng lungsod na walang babala ang barangay na aapaw ang ilog.

Hindi rin umano narinig ng mga residente na tumunog ang flood control alarm system.

Anim na barangay ang naapektuhan ng pagbaha.

Catch basin ang Sta. Rosa City kaya kahit hindi umuulan doon ay nagkakaroon ng baha, ayon sa lokal na pamahalaan.

Tumaas umano ang tubig noong Miyerkoles dahil sa tubig na galing Tagaytay City at Silang, Cavite, na nakaranas ng malakas na ulan.

Tiniyak naman ni Sta. Rosa Mayor Arlene Arcillas na tuloy-tuloy ang flood control master plan para mapalalim at mapalawak ang mga ilog.

-- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.