MAYNILA — Kinalampag ng isang dating opisyal ng pamahalaan nitong Huwebes ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) dahil sa umano'y kabiguan nitong isulong ang isang contact tracing app.
Sabi sa TeleRadyo ni dating Department of Information and Communications Technology (DICT) undersecretary Eliseo Rio, ipinagtataka nya kung bakit hanggang ngayon ay wala pa rin ang contact tracing app.
Dapat aniyang noong nakaraang 3 hanggang 4 na buwan ay gumagana na ang contact tracing app para mas mabilis ang pagtukoy sa mga nagpopositibo sa COVID-19 at sa mga nakakasalumuha nito.
"Parang walang nangyayari at nagpunta si Secretary [Harry] Roque na ide-demonstrate pa raw, so 5 months na tayo nasa pandemic. Ibang bansa through their own contact tracing app eh nakaahon na. Eh tayo pataas nang paatas eh de-demonstrate pa?" ani Rio.
Maaalalang StaySafe.PH ang nais sanang gawing contact tracing app ng pamahalaan.
Sabi noon ni Roque na walang dapat ikabahala sa app dahil limitado lang ang kukuning impormasyon ng app gaya ng mobile number at detalye sa kalusugan.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, coronavirus, COVID-19, contact tracing, contact tracing app