Mga kontribusyon ni Gina Lopez sa pamilya, kalikasan, kabataan inalala

ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2019 09:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang araw matapos ang kaniyang pagpanaw, inalala ng mga kaanak, benepisyaryo, at katrabaho ni Gina Lopez ang mga naging kontribusyon ng environmental advocate at pilantropo.

Namatay nitong Lunes ang tagapagtatag ng ABS-CBN Foundation dahil sa multiple organ failure. 

Nitong Martes, sinalubong ang mga labi ni Lopez ng daan-daang nakatrabaho niya sa ABS-CBN compound sa loob ng mahabang panahon. 

Hindi man siya personal na kilala, humanga rin ang ilan sa naging ambag ni Lopez para sa kalikasan, kabataan, at sa kapwa. 

Mga mahal sa buhay ni Gina ang naghatid sa kaniyang labi patungo sa inihandang memorial service. 

Si Arvin Vicente, na 20 taon nang naging cameraman ni Lopez, ang siya pa ring kumukuha ng mga video ni Lopez sa burol nito. 

Iyon nga lang, hindi na niya napigilan ang kaniyang luha sa pagkakataong makita ang labi ng yumaong amo. 

"Isang privilege ang makasama siya. Magkasama pa rin kami, hanggang sa huli. Iba kasi ang talagang turing niya sa amin, hindi lang kami tauhan... Hindi ganoon eh, para kang isang pamilya," ani Vicente. 

Matagal ding nakasama ni Jem Santos si Lopez sa Bantay Kalikasan ng ABS-CBN Foundation, na siyang pinagasiwaan ni Lopez nang ilang dekada. 

Bago maospital si Lopez, nagpalitan pa raw sila ng mga text tungkol sa susunod pang mga proyekto. 

"Si Ma'am Gina mahilig siyang maglaro, so lagi kaming naglalaro kahit saan kami, pag na-delay 'yung flight, o wala pa 'yung barko, mahilig kami magpatintero, maglaro, wala kaming pinipiling lugar, gusto niya masaya," ani Santos. 

"She's very proud of the foundation, she said 'just carry on,'" mangiyak-iyak na wika ni Santos. 

Nagbahagi naman ng kani-kaniyang kuwento ang mga naulila ni Lopez tungkol sa buhay na inialay niya para sa kapwa. 

"Hindi namin expected na mangyari ito pero, tingin namin may plano naman ang Diyos, may timetable, kaya pala laging nagmamadali si Gina sa kaniyang mga ginagawa, gusto niya gawin ngayon, gawin kaagad," ani Ernie Lopez, kapatid ni Lopez at president at CEO ng ABS-CBN Publishing. 

Ayon sa dating asawa ni Lopez na si Sona Roy, may ibinilin si Lopez sa kanya at sa dalawang anak.

"It's a challenging moment for us. It's a great loss. Losing Gina is very, not easy for us. Before she left she already discussed with us that life has to move on, be happy," ani Roy. 

Watch more in iWant or TFC.tv


 
Marami ring nagbigay-pugay kay Lopez sa mga rehiyon, partikular na ang mga kaniyang natulungan sa kaniyang karera bilang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources, tagapagtayo ng Bantay Bata 163, at iba pa.

Lubos na pinasalamatan ni Elenita Bascongada ang pagbawi ng DENR sa ilalim ni Lopez ng limang ektaryang bakawan sa Sitio Barimbing sa Puerto Princesa City. 

Matapos itong kalbuhin at tayuan ng mga bahay noong 2017, naging mayabong na muli ang mga bakawan na itinanim ng komunidad matapos ang pagbawi – na pinondohan sa ilalim ng National Greening Program ng DENR. 

Isa naman si "Adong" sa mga nasagip ng Bantay Bata 163 noong 2001 sa Davao kasama ang tatlo pang kapatid matapos mapabayaan ng kanilang mga magulang. 

Mangiyakngiyak na nagpasalamat si "Adong" sa ipinamahaging tulong ni Lopez. 

Nagpasalamat naman ang mga guro at mag-aaral ng Pablo Piatos Integrated School sa Bunawan District na binigyan ng e-TV set at educational materials ng ABS-CBN Foundation noong Hulyo 2011.
 
Sa halip na mga bulaklak at mass card, hiniling ng pamilya ni Lopez na donasyon na lamang ang ipaabot sa ABS-CBN Foundation.

Magkakaroon ng public viewing sa La Mesa Eco Park sa Agosto 22 hanggang 23. 

-- Ulat nina Jeff Canoy at Diana Lat, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.