Mga estrukturang lumabag sa easement zone sa Siargao, giniba

ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2019 12:00 AM

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

SIARGAO—Sinimulan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) Lunes ng hapon ang pag-demolish sa mga estrukturang lumabag sa easement zone sa General Luna, Siargao.

Unang nasampolan ang function hall ng Cabuntog Resort na pagmamay-ari ng lokal na pamahalaan ng General Luna. Hindi pumalag ang lokal na pamahalaan at kusa nila itong dinemolish.

"Okay lang kasi we have really to do it because it is against the law. Sumusunod tayo sa batas dapat lang," ani General Luna Mayor Yayang Rusillon.

Hindi rin nakaligtas ang isang private resort na binaklas aklasin ang bahagi ng kainan dahil umabot na ito sa baybayin. Pinangunahan ni Environment Secretary Roy Cimatu ang pagpapatupad ng demolition.

Ayon sa DENR, nasa 361 establisimyento ang nabigyan ng notice of violation nitong Mayo at inutusang magkusang mag-demolish sila.

"This is really a necessity of the protection of the beach kasi we cannot afford naman na masyadong malapit ang structures," ani Cimatu.

Binigyan ng 3 buwan ang mga establisimyento na gibain ang mga ilegal na estruktura at maaaring kasuhan kung hindi susunod sa kautusan.—Ulat ni Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.