Lalaking nambiktima ng 18 tindahan sa 'palit-pera modus' huli sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2019 12:07 PM | Updated as of Aug 20 2019 01:14 PM

Arestado ang isang lalaking nambiktima umano ng tindahan ng shake sa Maynila sa "palit-pera" modus.

Kinilala ang suspek bilang si Reynaldo Santos, na nagsabing 18 tindahan na ang nabiktima niya sa loob ng anim na buwan.

Kuwento ng tauhan ng tindahan na si Michael Dumlao, nag-order si Santos ng 2 malaking mango shake at nagbayad ng P1,000. Pero maya-maya binawi nito ang order.

Pagkaabot umano ng suspek ng P1,000, sinabi umano ni Santos na P100 lang ang natanggap niya kaya pinalitan ito ni Dumlao ng P1,000.

Pagkaalis ng suspek, sinabi ng ibang kustomer kay Dumlao na napansin nilang pinagpalit nito ang mga salapi. Napansin na ito ni Dumlao nang mabilang ang pera sa kaha.

Nataon na pulis pala ang may-ari ng tindahan. At sa tulong ng mga CCTV, nasundan ang dinaanan ng motorsiklong ginamit ng suspek.

"Sakto, bukas ang bahay niya, parang nag-aayos siya, may lighter siya, nagulat ako pagpasok ko, paano ko siya nasundan," ani may-ari ng tindahan na si Police Capt. Pidencio Saballo Jr.

Personal ding hinuli ni Saballo ang suspek.

Ayon kay Santos, napanood lang niya sa Internet at telebisyon kung paano gawin ang modus. Gayunman, humingi pa rin siya ng tawad.

Kasong estafa ang isinampa laban kay Santos.

-- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.