Lalaki timbog sa 'pambubugaw' ng mga teenager sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2019 06:02 PM | Updated as of Aug 20 2019 07:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto nitong Martes sa Pasay ang isang lalaki dahil sa umano ay pambubugaw ng mga teenager sa mga dayuhan.

Dinampot ng mga operatiba ng Women and Children Protection Center ng Philippine National Police (PNP) ang suspek na si Arwin Azur, 28, sa isang restoran sa Pasay bandang alas-4 ng madaling araw. 

Ibinigay naman sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development ang 2 lalaking ibinubugaw umano ng suspek, na may mga edad 14 at 15.

Nag-ugat ang operasyon sa sumbong sa PNP ng awtoridad sa France na may Pinoy umanong nagsusuplay ng online sexual exploitation material sa isang 74 anyos na pedophile na naaresto roon sa France. 

Mula 2012 hanggang 2019, umabot na sa higit €50,000 o halos P3 milyon ang naipadalang pera ng naarestong French sa Pilipinas, at kalahati ng mga transaksiyon ay ipinadala kay Azur.

Binibigyan umano ni Azur ang French ng mga retrato at video ng mga seksuwal na pang-aabuso sa mga menor de edad.

Ilang beses na ring nagpunta sa Pilipinas ang French at may ilang retratong nagpapakitang may mga kasama siyang batang lalaki rito. 

Inamin ni Azur na kilala niya ang dayuhan at ine-entertain niya ito kapag bumibisita ng Pilipinas.

Sasampahan si Azur ng patong-patong na kaso kabilang ang child pornography, child abuse, at paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act.

Inaalam na rin ng PNP kung sino ang ibang katransaksiyon ng nahuling French national.-- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.