German national, arestado dahil sa illegal recruitment

Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2018 03:54 PM

Pinigilang makaalis ang isang German national sa Clark International Airport Linggo dahil sa paratang na illegal recruiter ito.

Papunta sana sa Oman at may connecting flight papuntang Germany ang German national at 4 na Filipinong kasama nito.

Ayon sa National Bureau of Investigation, illegal recruiter ang German national.

"They don't have any authority or license to recruit Filipinos here going to Germany. And aside from that, they are lacking papers from the Philippine government to travel abroad," paliwanag ni Atty. Arcelito Albao, supervising agent ng NBI Region 3.

Ayon sa 4 na Filipino, aprubado na ang kanilang mga visa bilang volunteer caregivers sa Frankfurt, Germany.

Nilinaw nilang pupunta sila doon hindi para magtrabaho pero para maging volunteers sa loob ng tatlong buwan.

Pero ayon sa NBI, modus lamang daw ito ng iba.

"Just to shortcut the proceedings, just to shortcut the process of getting work abroad, 'yun ang ginagawa nila. Volunteer volunteer, pagdating doon trabaho 'yun," ani Albao.

Hindi na nagbigay ng pahayag ang German national na naging propesor umano ng 4 na biktima sa isang unibersidad sa Maynila.

Sa impormasyon mula sa NBI, may record na rin umano sa parehong kaso ang banyaga sa Ninoy Aquino International Airport.

Sasampahan ng kasong human trafficking at large scale illegal recruitment ang German national.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.