Napatay sa drug op, may diperensya sa pag-iisip pero di pusher- pamilya

ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2017 04:54 PM

MANILA - Napagkamalan lang siya--ito ang ipinaliwanag ngayong Linggo ng mga kaanak ng isang lalaking may diperensya umano sa pag-iisip na napatay ng mga pulis sa isang operasyon kontra iligal na droga kamakailan. 

Napatay si Leover Miranda, 39, matapos umanong manlaban habang inaaresto ng mga pulis malapit sa kanyang bahay sa Quezon City noong Agosto 3. 

Wala sa drug watchlist si Miranda, ayon sa kanyang pamilya. 

Imposible rin anilang nagtutulak ito ng droga dahil nalugmok ito sa depresyon mula nang iwan ng asawa, sabi ng kanyang ina na si Elvira. 

Ikuwento rin ni Elvira kung paano napaslang ng mga pulis ang anak. 

"Tinawag po kami ng pulis kasi may operation daw po sila. Sumisigaw iyung anak ko ng 'Inay, inay.' Hindi ko marinig, tapos narinig ko na lang sa labas ng bahay niya, putok na lang putok, putok nang putok," sabi ng ginang habang tumatangis. 

"Sabi ko na lang po, 'Ang anak ko, baka hindi nila alam na may sira sa ulo iyun.'" 

Gayunman, hindi magsasampa ng kaso ang pamilya ni Miranda sa takot na balikan sila ng pulis.

Nanawagan sa halip ang pamilya na matigil na ang patayan sa ilalim ng kampanya ng gobyerno laban sa bawal na gamot. 

"Sana mahinto na ang ganyang patayan," ani Peregrime Santos, anak ni Miranda. 

Inilibing si Santos sa Manila North Cemetery ngayong Linggo. Sinabayan ito ng protesta ng mga aktibistang tutol sa giyera ng pamahalaan kontra droga. 

"Ang pangunahing nagiging biktima ay mahihirap at maliliit. Kaugnay niyan, hindi kami papayag na mananaliting walang katarungan ang mga biktima," ani Banjo Cordero, spokesperson ng Stop the Killings Network. 

Muling magsasagawa ng protesta ang grupo Lunes sa Barangay 160, Caloocan, kung saan napaslang ang 17-anyos na si Kian Delos Santos sa hiwalay na operasyon ng pulisya. -- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.