Mga testigo sa pagpatay kay Kian, hawak ni Hontiveros

ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2017 01:18 PM

MANILA - Kinumpirma Linggo ni Senador Risa Hontiveros na hawak na ng kanyang tanggapan ang kustodiya ng mga testigo sa pagpatay sa 17-anyos na si Kian Lloyd Delos Santos sa isang anti-drug operation.

Ani Hontiveros, ito ay para matiyak ang kaligtasan ng mga saksi at kanilang mga kaanak.

Binanggit ng senador na tinutulungan ng isang institusyon ang kanyang tanggapan bagama't hindi niya ito pinangalanan.

Ayon sa mga pulis, napatay si Delos Santos nang paputukan nito ang kanilang mga operatiba sa Barangay 160, Caloocan Miyerkoles ng gabi.

Pero lumutang ang ilang testigo kamakailan at sinabing binugbog ng mga pulis ang binatilyo. Binigyan umano ng mga ito ng baril si Delos Santos at inutusang tumakbo bago tuluyang barilin.

Binisita ni Hontiveros ang burol ng teenager nitong Sabado at nagpahayag ng pagkabahala sa mga pagkamatay ng mahihirap sa kampanya laban sa droga.

Nanawagan din ang senador ng patas na imbestigasyon sa pagpatay kay Delos Santos. -- Ulat ni Zandro Ochona

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.