Balyena, nabahura sa El Nido, Palawan

Lynette dela Cruz, ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2017 06:13 PM

Photos courtesy of Dennis Queron

PALAWAN - Duguan at hirap nang gumalaw ang isang balyena nang makita ng mga residente at bisita malapit sa dalampasigan ng Barangay Sibaltan, El Nido, Palawan pasado alas-10 ng umaga, Linggo.

Ayon sa ilang nakakita, nabahura sa mababaw na parte ng dagat ang balyena. Tinatayang nasa 13 metro ang haba nito at dalawang metro ang radius.

Sinubukan itong itulak ng mga tauhan ng isang resort at ilang residente sa malalim na parte ng dagat pero mistulang nagwala ang balyena at bumalikwas-balikwas.

Agad naman umano itong naitawag sa pamunuan ng barangay at lokal na pamahalaan para humingi ng rescue.

Pero ayon sa Bantay Dagat, El Nido, sinubukan din nilang ipahila sa bangka ang balyena para dalhin sa malalim pero hinihila rin ng balyena ang bangka sa mababaw na parte kaya't hindi rin nila natulungang mailayo.

Ayon naman kay Kagawad Rico Cabiguen ng Barangay Sibaltan, protected area at puro corals ang pinagsadsadaran ng balyena.

Mahigit isang kilometro rin umano ang layo nito sa baybayin at mababaw kaya't posibleng ito ang dahilan kung bakit puro sugat ang balyena.

Napadpad sa tabing dagat ang balyenanang bumaba ang tubig at tuluyan na itong namatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.