Sunog sa bar at kainan, isinisi sa napabayaang sinaing

Jonathan Magistrado, ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2016 07:56 PM

NAGA CITY - Natupok ng apoy ang magkatabing bar at kainan nang sumiklab ang apoy sa Barangay Concepcion Grande, Naga City Sabado ng tanghali.

May kalakasan ang hangin kaya agad na kumalat ang apoy sa dalawang establisyemento na gawa sa kahoy at mga kawayan. 

Sa bidyo ng Bayan Patroller na si Leah Coner, makikitang nilamon na ng apoy ang bar at kainan bago pa makarating ang mga bumbero.

Nagsisisihan ang may-ari ng bar at kainan sa sunog. Pero giit ng empleyado ng kainan na unang nakapansin sa sunog, sumiklab ang apot sa kusina ng bar dahil sa napabayaang sinaing.

Tinitiyak pa ng arson investigator na si SFO3 Jesus Privaldos ang pinagmulan ng sunog.

Kumuha rin siya ng ilang bahagi ng nasunog na electrical wires para suriin kung problema sa linya ng kuryente ang dahilan ng apoy.

Naagapan ng mga bumbero na gumapang ang apoy sa mga bahay na nasa loob ng katabing pribadong subdivision.

Walang nasaktan sa insidente. Patuloy pang inaalam ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Naga City ang kabuuang pinsala ng sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.