Special concern lockdown sa isang lugar sa Quezon City nitong Agosto. Mark Demayo, ABS-CBN News/File
MAYNILA - Nagsagawa na ng mga paghihigpit sa kanilang mga lugar ang ilang lokal na pamahalaan ng Metro Manila, habang wala pang pasya sa magiging quarantine status sa lugar pagkatapos ng Agosto 20.
Naka-localized ECQ ang ilang kalye sa isang subdivision sa Muntinlupa City dahil sa pagdami ng COVID-19 cases simula ngayong Huwebes.
Dagdag ito sa 5 komunidad na nauna nang hinigpitan pa ang mga lockdown, na may lockdown na magtatagal nang hanggang Setyembre 3.
Bibigyan din sila ng food packs.
Nasa 62 lugar naman ang naka-Special Concern Lockdown sa Quezon City mula noong Agosto 16.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, nakaantabay na sila sa kung ano ang magiging pasya ng IATF pero kung mayroon man, magbibigay sila ng food pack ayuda sa mga apektadong residente hanggang sa matapos ang 14 araw na lockdown.
Iaayon din ng San Juan ang kanilang mga desisyon sa pasya ng IATF, ayon sa alkaldeng si Francis Zamora.
Anim naman sa mga lugar ang naka-granular lockdown sa piling mga lugar. Susustentuhan din ang mga residente ng food packs sa loob ng dalawang linggo. Na-swab test na rin ang mga residente.
Susunod na lang din ang ilan pang siyudad sa magiging pasya ng IATF gaya ng Maynila, Pasig City, at Parañaque City.
Nagpapatuloy naman ang granular lockdown sa 53 bahay sa 89 barangay ng Pasay City.
Naka-enhanced community quarantine pa rin ang Metro Manila at ngayong Huwebes ng gabi inaasahang magbababa ng desisyon ang IATF.
-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News
KAUGNAY NA VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.