PatrolPH

Libo-libong antigen test kit na ibinebenta online nasabat sa Pasig; 4 tiklo

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2021 06:34 AM | Updated as of Aug 19 2021 06:43 AM

Watch more on iWantTFC

Tinatayang mahigit P4.5 milyon na halaga o 12,000 COVID-19 antigen rapid test kits ang nabawi ng mga pulis at tauhan ng Philippine Air Force (PAF) sa entrapment operation sa Pasig City Martes ng hapon.

Nadiskubreng nakaimbak ang 20 box ng mga test kit sa bodega ng isang medical device importer at wholesaler sa Barangay Kapitolyo.

Ayon sa PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), hindi awtorisado ang pagbebenta ng kompanya ng mga rapid test kits.

Kaya nakipagtransaksyon ang tauhan ng Quezon City district field unit ng CIDG at 300th Air Intelligence Wing ng PAF para bumili ng 130 boxes ng saliva test kits na may brand na Kunsong sa halagang halos kalahating milyong piso.

Nasa P380 ang presyo ng bawat test kit. 

Inaresto sa operasyon ang may-ari ng kompanya, 2 marketing officer, at tauhan ng warehouse. 

Sa impormasyon ng CIDG, isa umanong sub-leader ng criminal group sa Pasig City ang may-ari ng kompanya at sangkot ang grupo sa ilegal na pagbebenta ng RT-PCR test kits.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Food and Drug Administration Law.

Ayon sa FDA, ipinagbabawal ang pagbebenta online ng mga COVID-19 antibody test kits kahit na may FDA special certification, dahil mga medical professional lang ang maaaring gumamit nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.