PatrolPH

'Terorismo ng estado': Magkasunod na pagpatay sa 2 peasant leaders kinondena

Mike Navallo, ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2020 09:01 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Kinondena ng iba't ibang progresibong grupo sa pamamagitan ng indignation rally nitong Miyerkoles ang sunod-sunod na pagkakapatay sa mga aktibista.

Hindi na napigilan ang galit at emosyon ni Tinay Palabay, secretary-general ng grupong Karapatan, nang magsalita siya sa rally para kondenahin ang pagpatay sa mga aktibista at lider ng mga progresibong grupo.

"Inaakusahan namin kayo, mga hayop, mga tarantado’t gago, mga pasista, ng teroristang gobyernong ito," aniya. 
 
Binaril sa likuran noong Lunes sa Bacolod City ng di pa nakikilang salarin si Zara Alvarez na kasapi rin ng Karapatan. 

Doble dagok ito para kay Palabay na noong araw na iyon, inilibing lang ang Peace consultant at Anakpawis chairman Randall Echanis, na tinorture umano bago patayin sa loob ng inuupahang bahay sa Quezon City noong nakaraang Lunes.

"That day was really difficult kasi magkasunod eh. Tapos, parang, there’s also disbelief kasi, these are people you work with everyday, pero the next time di mo na makontak, di mo na makausap. So it’s really painful. It’s painful," ani Palabay.

Bukod kay Echanis at Alvarez, pinatay din sina Bayan Muna-Iloilo coordinator Jory Porquia sa Iloilo noong Abril at Kadamay secretary-general Carlito Badion sa Leyte noong Mayo.

"Nakakaalarma na ang mga kaganapan kaugnay sa pagpatay sa mga aktibista... Kahit sa panahon ng pandemya, ang rehimeng ito ay mas abala sa pangigiyera sa mga aktibista, kritiko at rights defenders," ani Bagong Alyansang Makabayan secretary-general Renato Reyes, Jr. 

Ang ilan pa sa mga nakilahok ay ang mga grupong Kabataan party-list, Amnesty International, Free Legal Assistance Group, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Anakpawis party-list, National Union of Peoples’ Lawyers, International Coalition for Human Rights in the Philippines, National Council of Churches of the Philippines, at Human Rights Watch.

Nagtipon-tipon sila sa Bantayog ng mga Bayani upang ihayag ang kanilang pagkondena at paghiling ng malawakang imbestigasyon.

Ayon sa Karapatan, umabot na sa halos 200 human rights defenders ang napapatay sa ilalim ng Duterte administration. At tumindi ang mga pagpatay matapos patayin ang Peace talks.

Sinisi ng mga progresibong grupo ang Executive Order 70 at ang pagbuo sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na tahasan umanong sangkot sa red tagging o ang pagdawit sa mga aktibista sa mga armadong pwersa laban sa gobyerno. 

"Malinaw na ang terorismo nagmumula sa estado, hindi mula sa mamamayan na nagde-demand ng pagbabago sa panahon ng pandemya," ani Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite.

Pinapasilip na ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa Administrative Order No. 35 task force on extrajudicial killings ang pagpatay kina Echanis at Alvarez pero hindi kampante ang mga progresibong grupo.

"Ever since this task force was established, not a single case came out from their own efforts of investigation," ani Palabay.

Dagdag pa ni Palabay, DOJ nga mismo ang nagsampa ng proscription case para ideklarang teroristang grupo ang Communist Party of the Philippines at New Peoples’ Army kung saan isinama sina Echanis at Alvarez sa listahan ng higit 600 tao na iniuugnay sa CPP-NPA.

Ayon sa korte, 2 tao lang ang napatunayang may kaugnayan sa grupo.

Pangamba ng grupong Karapatan, ginawang hitlist ang listahang ito kahit pa mismong si Guevarra ay dati nang umaming hindi naberipika ang listahan.

Hinimok naman ng Bayan Muna ang International Criminal Court-Office of the Prosecutor na tapusin na ang preliminary examination sa mga human rights violations sa bansa at sampahan na ng kaso ang pangulo.

Pero depensa ng malacanang, walang basehan ang pagbintang ng mga patayan sa mga otoridad dahil isinasagawa pa lang ang imbestigasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.