PatrolPH

Paalala ng DTI: Mga empleyado ng mga restoran, pagupitan dapat mag-face shield

ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2020 06:33 PM | Updated as of Aug 19 2020 11:30 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Ipinaalala ng Department of Trade and Industry na kinakailangang magsuot ng face shield ang mga empleyado ng mga commercial establishments gaya ng mga pagupitan at mga restoran. 

Ito ay matapos buksan sa limitadong kapasidad ang mga naturang establisimyento sa pagbabalik-general community quarantine ng Metro Manila.

Inanyayahan din nila ang mga kustomer na magsuot ng face shield, bukod pa sa face mask kapag lalabas ng bahay. 

"Lahat ng mga empleyado ng salons at barbershops kailangan naka face shield even in restaurants lahat ng empleyado nila. and then we encourage also customers na magsuot ng face shield over the face mask pag lumabas sila ng bahay," ani Trade Undersecretary Ruth Castelo. 

Sa ilalim ng general community quarantine, maaari nang magbukas ang mga barberya at salon pero sa hanggang 30 porsiyento lang na kapasidad. 

Maaari ring tumanggap ng dine-in customers sa mga restorang sakop ng GCQ areas. 

Aminado ang may-ari ng barberya at salon na si Les Reyes na lugi ang kanilang negosyo ngayong limitado ang kanilang operasyon. 

Pero kailangan daw nilang magbukas para hindi mawalan ng hanapbuhay ang kanilang manggagawa. 

"Walang kita, ang kita na lang dito ay hairdressers, the barbers and skin therapists, we open the salon and the barber para may livelihood sila," ani Reyes. 

Bawal ang manicure, pedicure, facial, masahe at iba pang aesthetic services sa ilalim ng GCQ. 

Sa SM North, wala pang utos na oobligahin ang mga mall goer na magsuot ng face shield. 

Pero sa SM Megamall, required na ang face shield alinsunod sa utos ng Mandaluyong City na obligahing magsuot ng face shield sa mga establisimyento sa siyudad. 

Susunod din ang Ayala Malls at Robinsons sa direktiba ng LGU sa pagpapasuot ng face shield. 

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.