PatrolPH

Dini-disinfect mo ba ang pera mo? BSP may babala

ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2020 08:18 PM


MAYNILA — Sa gitna ng pandemya, maraming Pinoy ang todo-ingat para maiwasang madapuan ng nakamamatay na coronavirus.

Isa sa mga hakbang na ginagawa ng marami ay ang pag-disinfect ng kanilang mga salapi, na kadalasang winiwisikan ng alcohol at iba pang likodong panlinis.

Pero nagbabala laban dito ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) nitong Martes.

"Pinaaalalahanan ng BSP ang publiko na iwasang ibabad o wisikan ang salaping papel at barya ng tubig at sabong panlaba, alcohol, bleach, at iba pang kemikal," anang BSP sa isang pahayag.

Ayon sa BSP, maituturing itong "acts of mutilation or destruction of Philippine currency" at may kalakip na kaparusahan, alinsunod sa probisyon ng Presidential Decree No. 247.

Sa ilalim ng decree, mahaharap ang mga lalabag dito sa multa na hindi lalabis ng P20,000 at/o pagkakakulong na hindi lagpas 5 taon.

Paalala ng BSP, ang sagot kontra COVID-19 ay hindi pag-disinfect sa pera kundi tamang personal hygiene.

"Para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19, kailangang gawin ang proper hygiene at ituring ang pera na katulad ng ibang mga bagay na laging hinahawakan," anila.

"Ugaliin ang paghuhugas ng kamay at pag-iwas sa paghawak ng mukha pagkatapos humawak ng pera."
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.