Pulis namaril sa kasal sa Bulacan; kapatid ng bride patay

ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2019 04:07 PM

Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng umano'y nakaalitang pulis sa San Jose del Monte, Bulacan noong gabi ng Linggo.

Sumugod umano bandang alas-9:30 ng gabi si Patrolman Jesse Gubat sa isang kasal sa Barangay Citrus at hinanap ang kapatid ng bride na si Cleevan Rosal.

Nagpaputok si Gubat at tinamaan ang groom o kinasal na lalaki, na agad namang nadala sa ospital.

Nang umuwi sa bahay si Gubat, sinundan siya ni Cleevan.

Nagkaroon umano ng mga pagpapaputok ng baril hanggang sa mapatay si Cleevan.

Nasugatan naman si Gubat pero hindi pa malinaw kung bakit at paano.

Iginiit ng kaanak na hindi armado si Cleevan nang sundan ang pulis sa bahay at wala ring nakuhang baril ang San Jose del Monte police sa pinangyarihan ng krimen.

Matagal nang magkakilala ang pulis at nasawi, at posibleng may malalim na alitan, ayon kay Maria Rosal, ina ni Cleevan.

Nagpapagaling sa ospital ang pulis na posibleng maharap sa kasong frustrated homicide.-- Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.