PatrolPH

Gym ng NKTI binuksan dahil sa pagdami ng leptospirosis patients

ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2019 08:39 PM | Updated as of Aug 20 2019 08:44 AM

Watch more on iWantTFC

Bukod sa dengue, dapat ding mag-ingat ang publiko sa leptospirosis, na isa ring sakit na nauuso tuwing tag-ulan.

Binuksan ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) sa Quezon City ang gym nito para gawing ward bunsod ng pagdami noong weekend ng mga pasyenteng may leptospirosis .

Ang leptospirosis ay impeksiyong sanhi ng bakteryang nagmumula sa ihi ng hayop gaya ng daga. Kadalasan itong nakukuha sa tubig-baha na nahahaluan ng ihi ng daga.

Karamihan sa mga pasyente ay galing Taguig pero mayroon ding mga galing Maynila, Caloocan at lalawigan ng Cavite.

Posibleng ang mga pasyente ng leptospirosis ay iyong mga lumusong sa baha sa kasagsagan ng baha noong kamakailang habagat, ayon kay NKTI executive director Dr. Rose Marie Liquete.

Isa sa mga pasyenteng may leptospirosis sa NKTI ang pumanaw nitong umaga ng Lunes.

May 8 kuwarto ang intensive care unit ng ospital, pero 4 dito ay okupado ng mga pasyente ng leptospirosis.

Ilan sa mga sintomas ng sakit ang pagkakaroon ng lagnat, panginginig, pananakit ng kasukasuan, pamumula ng mata, hirap sa pag-ihi, at paninilaw ng balat matapos lumusong sa baha.

-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.