Gov't officials, mga grupo nagluksa sa pagpanaw ni Gina Lopez

ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2019 02:48 PM | Updated as of Aug 19 2019 08:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Ipinagluksa ng mga opisyal ng gobyerno at ilang grupo ang pagpanaw ngayong Lunes ng environmental advocate at pilantropo na si Gina Lopez.

Inihayag ng Malacañang ang pagdadalamhati nito sa pagkawala ng dating Environment secretary, na inilarawan bilang "most passionate Cabinet member" ni Pangulong Rodrigo Duterte.

"It is with a heavy heart that we express our sincerest condolences to her family, relatives, friends and loved ones," sabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa isang pahayag.

"The Palace deeply grieves the demise of one of President Rodrigo Roa Duterte's most passionate Cabinet members whose environmental advocacy and legacy remains unparalleled to this day," ani Panelo.

Pumanaw si Lopez sa edad na 65 dahil sa multiple organ failure, sabi sa pahayag ng ABS-CBN Corporation.

Nagsilbing Environment secretary si Lopez sa loob ng 10 buwan. Tinanggihan ng Commission on Appointments ang pagkakatalaga sa kaniya ni Duterte.

Ayon naman kay Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., ipinagmamalaki niyang maging kahanay si Lopez sa Gabinete ni Duterte.

"Knew her as a kid then as headstrong teenager. Fixing her mind on a cause—like cleaning out the sh*t in our country & potty-training the mining community on ecological responsibility—she never let up. I am proud to be part of the Cabinet of which she was all too briefly a part," ani Locsin.

Nakiramay din ang ilang mambabatas.

Para kay Sen. Christopher "Bong" Go, katangi-tanging modelo ng tunay na pagmamalasakit sa kapwa tao si Lopez.

Isang huwaran at inspirasyon si Lopez para kay Sen. Manny Pacquiao.

Nagpasalamat si Sen. Grace Poe kay Lopez sa pag-alay nito ng buhay para makapagbigay ng pagmamahal sa kapwa at kalikasan. 

Pinasalamatan din ng grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) si Lopez sa trabaho nito sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

"Sa maikling panahon niya sa DENR, ipinakita niya ang magagawa kapag may malinaw na paninindigan at prinsipyo para sa bayan. Sa loob man o labas ng gobyerno, naging makabuluhan ang kanyang mga kontribusyon," sabi sa pahayag ni Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Secretary General Renato Reyes.

Malaking kawalan ang pagkamatay ni Lopez para sa mga grupong nagsusulong na pangalagaan ang kapaligiran, ayon kay Jaybee Garganera, national coordinator ng Alyansang Tigil Mina.

"Iba 'yung karakter niya, punong-puno siya ng liwanag, enerhiya, wala hong katapusang trabaho na meron tayong commitment sa tao, sa kalikasan," ani Garganera sa panayam ng radyo DZMM. 

Ayon naman sa ABS-CBN Lingkod Kapamilya Foundation Inc. (ALKFI), kung saan matagal na nagsilbing chairperson si Lopez, mas gugustuhin daw ni Lopez na ipagdiwang ng mga tagasuporta nito ang buhay nito sa halip na magluksa.

"In Gina's own way, I'm sure she would rather we celebrate her life than mourn it dahil sa napakadami niyang ginawang kabutihan para sa ating mga Kapamilya," ani Susan Afan, managing director ng ALKFI. 

"Dahil kilala namin s'ya, ayaw niya ng malungkot, gusto niya kumakanta kami. Masaya kami. Nagbibigay kami ng pag-asa, and so lahat kami ay nagdadasal," dagdag ni Afan. 

Nakilala si Lopez dahil sa kaniyang trabaho sa pag-rehabilitate ng Pasig River at La Mesa Watershed. 

Si Lopez din ang nagtatag ng Bantay Bata 163 na tumutulong sa mga batang biktima ng pang-aabuso.

Bilang Environment secretary, ipinag-utos ni Lopez ang pagpapasara o suspensiyon ng 28 minahan dahil sa paglabag sa mga environmental law.

Sa halip na mga bulaklak at mass card, hiniling ng pamilya ni Lopez na donasyon na lamang ang ipaabot sa ABS-CBN Foundation.

Magkakaroon ng public viewing sa La Mesa Eco Park sa Agosto 22 hanggang 23. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.