Chinese timbog sa pagdukot sa kababayan

ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2019 08:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto ng mga awtoridad ang isang miyembro ng Chinese loan shark syndicate dahil sa umano ay pagdukot sa kababayan nito sa Pasay City, sabi ngayong Lunes ng pulisya.

Sinagip noong Huwebes ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) sa hotel sa Pasay ang biktimang si Bian Xiaoguo at hinuli ang isa sa mga dumakip na si Xu Libo.

Ikinasa ng PNP-AKG ang operasyon matapos idulog sa konsulado ng China ng ama ni Bian ang pagdukot sa anak noong Hulyo 29.

Pinadalhan ng mga suspek ang ama ni Bian ng video kung saan mapapanood ang pag-torture o pagpapahirap sa biktima.

Hiningan ng mga suspek ang ama ni Bian ng P1.5 milyon bilang ransom, ani Lt. Col. Elmer Cereno, tagapagsalita ng PNP-AKG.

Nagkaroon ng utang ang biktima sa sindikato dahil sa paglalaro sa casino sa Pasay, ani Cereno.

Dinala rin ng grupo noong Agosto 11 si Bian sa presinto para ireklamo dahil hindi nakabayad pero hindi natuloy ang pagsasampa ng kaso.

Bukod kay Xu, natukoy na rin ng mga awtoridad ang 2 pang suspek na kasama sa grupo.

Si Bian ay pang-53 na sa kaso ng mga nabibiktima ng casino loan shark syndicate.

Palalakasin ng PNP-AKG ang ugnayan sa Philippine Amusement and Gaming Corporation at mga casino establishment, ayon kay Cereno.

Maglalagay ang mga pulis ng help desk sa mga casino at magpapakalat ng intelligence operative.

Nanawagan din ang PNP-AKG sa mga condo owner at sa mga subdivision na maging mausisa sa pagpapaupa dahil maaaring gamitin ito ng mga sindikatong Chinese para pagtaguan ng kanilang mga biktima.-- Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.