2 patay sa magkahiwalay na pamamaril sa Zamboanga City

ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2019 06:00 PM

Dalawang tao, kasama ang isang barangay chairperson, ang nasawi sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Zamboanga City noong weekend. 

Nasawi noong Sabado si Sufian Unggas Hadis, 40, at barangay chairperson sa Pisak-pisak sa bayan ng Tabuan-Lasa, Basilan.

Nakasakay ng kotse si Hadis nang lapitan at pagbabarilin siya ng 2 nakamotorsiklong salarin.

Politika ang tinitingnan motibo sa pagpaslang kay Hadis lalo at nakatanggap siya ng mga banta bago ang krimen, ani Police Maj. Elmer Solon.

Nakilala raw ng biktima ang isa sa mga namaril at naibigay ang pangalan bago bawian ng buhay.

Maaari umanong makasuhan ng murder ang mga responsable sa pagpaslang kay Hadis.

Isang 31 anyos na lalaki naman ang nasawi matapos pagbabarilin ng lalaking nakaalitan sa videoke bar sa Barangay Maasin noong Linggo.

Nagtamo ng ilang tama ng bala sa katawang ang biktimang si Sungah Wahab.

Nag-iinuman sa videoke bar ang grupo ni Wahab nang makaalitan ng mga ito ang grupo ng suspek dahil sa masamang tingin, ani Police Maj. Ramon Bautista.

Nagkaroon ng rambulan bago umano kumuha ng baril ang suspek at pinaputukan ang grupo ni Wahab. 

Agad nakatakas ang suspek matapos barilin ang biktima.

Sasampahan ng kasong murder ang suspek. -- Ulat ni RJ Rosalado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.