Pagbitay sa Pinoy sa Malaysia kaugnay ng kasong murder, ipinagpaliban

ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2017 10:33 PM

Ipinagpaliban ng Malaysia ang pagbitay sa isang Filipino roon na nahatulang guilty sa kasong murder, ayon sa Department of Foreign Affairs.

Nakatakda sanang bitayin noong Biyernes si Ejah Bin Jafaar, subalit nakumbinsi ng embahada ng Pilipinas si Sabah Governor Tun Datuk Seri Panglima Haji Juhar Haji Mahiruddin na pansamantala munang ihinto ang parusa, ayon kay Charles Jose, ang ambassador ng Pilipinas sa Malaysia. 

Ibinalik na rin ng gobernador ng Sabah ang kaso ni Jaafar sa Sabah Pardons Board para repasuhin ito. 

Nakatakdang magpulong ang Sabah Pardons Board sa Disyembre upang pagdesisyunan kung ibababa ba ang sentensiya kay Jafaar sa panghabambuhay na pagkakakulong o kung itutuloy ba ang pagbitay.

Ayon kay Jose, muli't muling umaapela ang embahada ng Pilipinas ukol sa kaso simula pa noong 2015. Nagpasalamat naman ang DFA sa naging desisyon ng bansa ngayon. 

"We would like to thank the governor of Sabah for responding to the repeated appeals of the Philippine government on behalf of the family of Mr. Jaafar," ayon kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter S. Cayetano. 

Nahatulang guilty para sa kasong murder si Jaafar noong Setyembre 2006 ng Sandakan High Court. Nasentensiyahan naman siya ng bitay nooong 2009, ayon sa DFA. In-affirm naman ito ng Court of Appeals ng Malaysia noong 2011, at ng kanilang Federal Court noong 2013.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.