Nasa 20 armadong lalaki, namataan sa katabing bayan ng Marawi

ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2017 11:06 PM

Ilang armadong lalaki na hinihinalang miyembro ng Maute group ang nakitang naglalakad sa bayang katabi ng Marawi. 

Madaling araw nitong Biyernes nang nakita ng ilang residente ang nasa 20 armadong lalaki na naglalakad sa kalsada ng Saguiaran, Lanao del Sur.

Mula sa kalsada, nakitang pumasok sa mga palayan ang grupo at sinuong ang isang maisan sa boundary ng Saguiaran at Piagapo.

Kuwento ni Maning Dalupang, ABC president sa Saguiaran, umiwas ang mga armadong lalaki sa mga opisina at sundalo.

Hindi rin nila alam kung saan nanggaling ang mga armadong lalaki na hindi naman nakauniporme ng sundalo.

Apela ni Dalupang, sana ay maproteksiyunan din sila.

Inaalam na ng Joint Task Force Marawi kung konektado nga ba sa ISIS o sa Maute ang nakita ng mga residente.

Ito na ang ika-89 na araw ng mga bakbakan. Tantiya ng militar, nasa 40 pa ang mga Maute na natitira sa loob ng warzone.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.