Mga testigo sa pamamaril kay Kian, nakatatanggap ng banta sa buhay

ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2017 06:24 PM | Updated as of Aug 19 2017 11:10 PM

Ibinunyag ng ama ng binatilyong nasawi sa nakaraang Oplan 'Galugad' sa Caloocan na may mga nagbabanta sa buhay ng mga nakakita sa insidente. 

Sa kabila nito, hindi umano magpapagupo ang isa sa mga testigo sa pamamaril sa 17 anyos na si Kian Loyd delos Santos.

Nakatatanggap umano ng mga pananakot ang mga witness na nakakita sa pamamaril sa binatilyong Delos Santos, ayon sa ama nitong si Saldy delos Santos. 

Gayumpaman, tuloy pa rin ang suporta ng mga kapitbahay at kaanak sa pamilya. 

Isa sa mga kapitbahay ng pamilya ang nag-abot ng basyo ng bala sa ina ni Kian Loyd, dahil baka maaari umano itong gamitin bilang ebidensiya. 

Hindi rin umano natatakot si alyas 'Lisa', isa sa mga nakakita sa insidente. Aniya, kilala niya ang mga pulis at nakita niya mismo kung paano pinatay si Kian. 

Kuwento niya, dalawang pulis ang nagpaputok nang sunod-sunod kay Kian, habang nasa pader ang binatilyo. Nakatakip umano ang mukha nito, at nagmamakaawa pa sa mga pulis bago pinagbabaril. 

Subalit, muling iginiit ni Chief Inspector Amor Cerillo ng Caloocan police na hindi si Kian ang nakita sa CCTV na nakatalukbong at kasama ng mga pulis. 

Patuloy naman ang pagdagsa ng mga kamag-anak, kaklase, at mga guro sa burol ni Kian. Dumating din ang Department of Social Welfare and Development, pati na si Senador Risa Hontiveros. 

Bumuhos din ang suporta sa social media para sa pamilya Delos Santos. Nag-trending din ngayong umaga ang #JusticeForKian sa Twitter, kung saan pati celebrities ay nakiramay sa pamilya at nanawagan ng hustisya para sa binatilyo.

Kinondena rin ng grupong Volunteers Against Crime and Corruption ang pagkamatay ni Kian. 

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.