May 60 pamilya, pinaalis sa pabahay sa Parañaque

ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2017 05:43 PM

Nasa 60 pamilya ang ipinag-utos ng korte na paalisin sa isang pabahay sa Brgy. Marcelo Green, Parañaque noong Huwebes. Pansamantala naman din itong ipinatigil upang mapag-usapan ang mga dapat ayusin bago umalis ang mga residente. 

Umaga pa lang, nagkagitgitan na ang ilang residente at ang sheriff ng Parañaque Regional Trial Court Branch 274 na dumating kasama ng mga pulis, barangay, at tagahakot para ipatupad ang utos ng korte na paalisin ang mga tao. 

Ilan sa mga residente ang agad pumayag na umalis upang hindi na magkagulo, habang ang mga nanatili sa kanilang mga bahay ay puwersahang pinasok o inakyat ang bakod. 

Ayon sa asosasyon ng pamayanan, hindi umano nagbabayad ng singil ng asosasyon ang mga pinaaalis. 

Hindi rin makapagpatayo ng bahay ang totoong may-ari ng mga lote sa lugar dahil may nakatayong iba. 

Giit naman ng grupong Kadamay, ilegal ang eviction dahil walang relokasyon para sa mga pinaalis. Nangangamba rin silang may susunod pang paaalisin dahil nakatakda umanong i-develop ang lupain. 

Pagsapit ng hapon, napakiusapan ng pinuno ng Presidential Commission on the Urban Poor ang sheriff, pulis, at asosasyon na ipatigil muna ang pagpapaalis. 

"Magkakaroon ng pormal na pagpupulong sa pagitan ng mga grupo at partido para pag-usapan kung mayroon bang relokasyon o financial assistance na maibibigay sa mga apektadong pamilya," ayon kay Terry Ridon, chairperson ng Presidential Commission on the Urban Poor.

Kailangan ding mapagkasunduan ng asosasyon at ng mga pinapaalis ang halaga ng babayaran para makapanatili sa lugar. 

-- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.