Malakas na ulan, nagdulot ng baha sa QC

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2017 10:17 PM

Patuloy na bumubuhos ang malakas hanggang sa napakalakas na ulan sa ilang lugar sa Quezon City, Sabado ng gabi.

Bagamat umambon nitong hapon sa lungsod, patuloy na itong lumakas pasado alas-otso ng gabi.

Nagsisimula na ring bumaha sa kalsada ng Kamuning, partikular na sa kanto ng Kamias Road.

Mabagal naman ang usad ng mga sasakyan dahil nahihirapang makakita ang mga driver sa lakas ng ulan.

Dahil rito ay maraming pasaherong naghihintay ng sasakyan at napilitan munang magtago sa ilalim ng flyover sa EDSA upang magpatila ng ulan.

Batay sa inilabas na thunderstorm advisory ng PAGASA ay asahan ang malakas na pag-ulan sa susunod na dalawang oras sa lahat ng lungsod ng Metro Manila at Bulacan.

Ipinaalala ng PAGASA na huwag kalimutan ang panangga sa ulan kung lalabas ng bahay at magdahan-dahan sa pagmamaneho dahil madulas ang kalsada.