Giit ng kapatid: Abugadong pinatay sa Palawan, hindi sangkot sa droga

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2017 03:26 AM

PALAWAN — Iginiit ng pamilya ng pinatay na abugadong si Hermie Aban na hindi sangkot ang biktima sa ilegal na droga.

Sa isang press conference nitong Biyernes, itinanggi ni Mayeth Bautista, kapatid ng biktima, na sangkot umano si Aban sa ilegal na gawain.

"Pag tayo po ay pusher o drug lord, ang unang-una pong makikita ninyo, mayaman, maraming pera. Ang kuya po namin ay hindi na active sa pagpa-practice ng kanyang law profession. In short, wala na pong pera ang kuya namin,” ani Bautista.

Pinagbabaril si Aban ng mga hindi pa nakikilalang suspek noong Martes sa Barangay Bancao-Bancao sa Puerto Princesa. 

Nadala pa ang biktima sa ospital ngunit binawian rin ng buhay, ayon sa pulisya.

Pinakita ni Bautista ang resulta ng blood test na kinuha ng pulisya noong Hunyo 26 na nagsasabing negatibo sa ilegal na droga si Aban.

Nilinaw din ni Bautista na walang disbarment case laban sa kanyang kapatid.

Wala pang nakikitang malinaw na dahilan ng pagpatay ang mga kaanak ni Aban dahil wala rin daw itong nababanggit sa kanyang kinakasama.

"Honestly, wala po. Namumuhay po kami ng tahimik,” ani Mariel Dedicatoria, kinakasama ni Aban.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.