Babaeng drug surrenderer, patay sa Ilocos Norte

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2017 02:47 PM

ILOCOS NORTE - Patay ang Barangay Kagawad ng Barangay 21 Lacuben Badoc, Ilocos Norte matapos na pagbabarilin Biyernes ng gabi.

Nakilala ang biktima na si Kagawad Maricon Colobong, 44 anyos.

Sa imbestigasyon, pauwi na ang biktima sakay sa kanyang motorsiklo nang pagbabarilin ng motorcycle riding gunmen ilang metro malapit na sa kanilang bahay.

"Galing ito sa lamay kasama ang kanyang live-in partner, sabay silang umuwi. Naka-motorsiko si Maricon pero ang kinakasama niya naka-tricyle. Ayon sa live-in nito may nag-overtake sa kanila at dito na pinagbabaril ang biktima," sabi ni PO3 Alfredo Pagar Jr.

Hindi naman nakilala ng live-in partner ng biktima ang mga suspek dahil naka helmet daw ang mga suspek.

Pagkakasangkot ng biktima sa droga at ang pautang nito ang tinitingnan ng pulisya na motibo sa krimen.

Maliban sa drug surrenderer ang kagawad, high value target ito at nasa drug watchlist ng Philippine Drug Enforcement Agency.

"May information kami na hindi pa tumitigil sa pagbebenta ng iligal na droga ang biktima," dagdag ni Pagar.

Pero ayon naman sa pamilya ng biktima, wala naman daw itong death threat at mariing itinanggi ang pagkakasangkot ni Maricon sa iligal na droga.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.