Alkalde, 4 na iba pa huli dahil sa pasong lisensiya ng mga armas

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2017 02:14 PM

Nahuli sa pantalan ng Ozamiz City si Kolambogan, Lanao del Norte mayor Lorenzo Mañigos at mga tauhan nito Sabado ng umaga.

Galing Maynila ang alkalde at sinundo ito ng kanyang mga tauhan na sina Noel Tabamo, Dicky Doroja, Nestor Kilat, at Mario Glodove sa Ozamiz Port. 

Ideneklara naman daw nila na may dala silang mga armas at lisensyado ito pero ng beripikahin ng mga pulis ay lumabas na expired na ang mga lisensya nito kaya hinuli sila.

Narekober sa mga tauhan ng mayor ang dalawang 9MM na baril, dalawang kalibre .45 na baril, mga magazine, mga holster at mga bala.

Habang sa Toyota Hilux naman na ginamit nila nakuha ang dalawang M67 fragmentation hand grenade, isang MK2 fragmentation hand grenade at dose-pulgadang kutsilyo.

Ayon kay Mayor Mañigos ipo-proseso pa sana niya ang pagpapa-renew ng lisensya ng kanilang mga baril.

Pero itinanggi niya na sa kanya ang mga granada lalo na at hiniram lang niya sa kanyang bayaw ang sasakyang ginamit nila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.