Suspek sa droga, tumalon sa bintana para tumakas

Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2016 11:04 PM

ISABELA--Pasado alas-2 ng hapon Huwebes nang dalhin sa opisina ng piskalya sa Cauayan City, Isabela si Christopher Yuson alyas "Topeng" para sa inquest ng kanyang kasong may kaugnayan sa iligal na droga.

Pero habang pinoproseso ang kanyang kaso, bigla itong tumalon sa bintana ng prosecutor's office na nasa ikalawang palapag.

Hinabol ng mga pulis si Topeng hanggang sa makorner ito sa Barangay Tagaran.

Nakakulong na ngayon sa pasilidad ng Bureau of Jail Management and Penology si Topeng.

Unang nahuli si Topeng noong Miyerkules sa isang buy-bust operation. Nasamsam sa kanya ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu, buy-bust money, cellphone, at lighter.

Ayon kay police Chief Insp. Pilarito Mallillin, dati nang nakulong si Topeng dahil sa droga pero nakalaya ito matapos makapagpiyansa.

Dati na rin itong nasangkot sa iba pang kaso.