PatrolPH

Pulis, 2 suspek sa droga napatay sa Antipolo

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Aug 20 2016 03:26 AM

MANILA - Nasawi ang hepe ng intelligence special operations unit ng Rizal Provincial Police na si Senior Insp. Mark Gil Garcia matapos maka-engkwentro ang mga hinuhuling drug suspects sa isang buy-bust operation pasado alas-7 ng gabi ng Biyernes.

Nagsagawa ng ikatlong follow-up operation ang tropa ni Garcia sa isang eskinita malapit sa bahay ng drug suspect na si alias William Malana sa Sitio Maagay, Barangay Inarawan, Antipolo City. 

Nang matapos ang transaksyon ay nakaramdam umano ang suspek kaya tumakbo sa kanyang bahay. 

Nahabol siya ng mga pulis pero nakipagbarilan ito at ang kasama niyang hindi pa nakikilala sa ngayon. 

Agad napatay ang naturang kasama ni Malana. 

Nabaril naman ni Malana ng sumpak si Garcia sa kaliwang pigi bago siya nagantihan ng baril ng mga pulis. 

Naitakbo sa hospital si Garcia samantalang dead on the spot si Malana. 

Dahil sa dami ng dugong nawala, binawian ng buhay si Garcia. 

Ayon kay Rizal PNP Provincial Director S/Supt. Adriano Enong, magdadalawnag buwan pa lang bilang hepe ng special operations unit si Garcia at kilala siya bilang nangunguna sa pagtugis ng mga drug personalities sa probinsya. 

Tiyak daw na bibigyan nila ng parangal ang nasawing pulis.

Samantala, narekober sa crime scene ang mga ginamit ng mga suspect na caliber .38 at dalawang improvised sumpak. 

Narekober din ang 30 sachet ng hinihinalang shabu. 

Bago pa ang nasabing operasyon, nakadalawang operasyon na ang grupo ni Garcia kung saan anim ang nahuling drug personalities, kasama ang isang sundalo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.