Anak ng kagawad, 3 iba pa timbog sa buy-bust sa Pasay

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at Aug 19 2016 04:30 PM

MANILA - Arestado ang apat na umanoy tulak ng droga sa isinagawang buy-bust operation sa Pasay City kagabi kung saan nakuhanan ng 25 gramo ng hinihinalang shabu.

Kumagat ang target na si Joel Juson sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay 57, Pasay City kagabi.

Itinuturing si Juson bilang high-value target ng PNP na nakakapagbenta ng 20 hanggang 50 gramo ng shabu sa isang araw.

Anak si Juson ng isa sa mga kagawad sa barangay kung saan siya nahuli. Hindi naman malinaw sa pulis kung kaninong bahay ang tinutuluyan ng suspek na ginagawa na ring drug den.

Arestado rin ang tatlo pa na kinilalang sina Patrick Alsido, Natalia Arroyo, at Merielenn Navarro na nakuhanan din ng hinihinalang shabu.

Patung patong na kasong may kinalaman sa droga ang kakaharapin ng apat.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.