PatrolPH

Presyo ng puting sibuyas, pumapalo na sa mahigit P400 kada kilo

ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2022 11:47 AM | Updated as of Aug 18 2022 02:56 PM

MANILA (UPDATE) — Muling sumipa ang presyo ng puting sibuyas sa Marikina Public Market ngayong Huwebes dahil sa kakulangan ng nagtitinda ng mga ito sa naturang palengke.

Aabot na sa P380 hanggang P400 kada kilo ang presyo ng puting sibuyas doon, depende sa laki. Karamihan sa mga ito, na-order na rin ng mga may restaurant kaya hindi na nagbebenta ng tingi-tingi o mga tig-iisang kilo lang.

Ayon sa mga nagtitinda, halos walang dumarating na puting sibuyas mula sa kanilang mga supplier sa Nueva Ecija. Kuwento naman ng supplier na si Jojo Villarosa, ilang araw na rin silang walang makuhang sibuyas dahil ilang buwan nang tapos ang anihan.

“Walang pumapasok na imported daw eh, as in talagang panahon na ito puro imported tayo nakadepende kasi iyong local na puti hanggang 2 buwan lang talaga simula harvest time kaya wala talaga ngayong buwan,” ani Villarosa. 

Dahil dito, kanya-kanyang diskarte ang mga kainang may mga lutong kailangan ng puting sibuyas, tulad ni Edgar Albitos na gumagamit muna ng pulang sibuyas para sa kanyang tindang sisig.

“Dati, white onion ang ginagamit namin kaso mahal na ang white onion ngayon, at saka mahirap makuha,” ani Albitos.

Samantala, nagmahal ng P5 hanggang P10 ang kilo ng mga sumusunod na gulay sa Marikina Public Market. 

  • Talong - P40/kilo
  • Ampalaya - P55/kilo
  • Sitaw - P50/kilo
  • Okra - P25-P30/kilo
  • Kamatis - P40/kilo
  • Siling labuyo - P420/kilo
  • Luya - P65/kilo
  • Kalabasa - P40/kilo
  • Pipino - P25/kilo
  • Carrots - P85/kilo

Sa Pasig Public Mega Market naman, may bahagyang paggalaw din sa presyo ng gulay na umaabot ng P5 ang pagtaas.

Nasa P450 kada kilo ang presyo ng puting sibuyas sa nasabing palengke dahil din sa kakulangan ng supply nito.

Pumapalo na rin ng P290 hanggang P310 kada kilo ang presyo ng karneng baboy, at P280 hanggang P290 kada kilo naman ng manok.

Marami pa ang supply ng baboy kaya inaasahang hindi pa gaanong gagalaw ang presyo nito.

Kinumpirma ng Bongabon, Nueva Ecija Farmers' Association na kulang na ang suplay ng puting sibuyas sa bansa. 

Sa panayam sa Teleradyo, sinabi ng miyembro ng samahan na si Hernan Andres na paubos na ang puting sibuyas dahil hindi ito puwedeng ma-stock nang matagal at hindi rin lahat ng mga magsasaka ay nagtatanim ng puting sibuyas. 

Problema rin ng mga magsasaka ang mataas na presyo ng mga fertilizer o abono kaya panawagan nila na sa gobyerno na bigyan sila ng karagdagang suporta. 

"'Yun po ang sinasabi ng ating mga magsasaka parang sugal din kasi itong ating ginagawa na ito, ganun po 'pag kulang ang sibuyas syempre mag-aagawan ang buyer, eh di tataas ang produkto natin ng sibuyas. Pero sa totoo kailangan natin ng tulong ng gobyerno dito po sa ating magsasaka lalo po ngayon," ani Andres. 

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority, ikalawa ang Central Luzon, kung saan napapaloob ang Nueva Ecija, sa pinakamalaking producer ng sibuyas sa bansa. 

Pinakamalaking producer naman ng sibuyas ang Ilocos Region. 

— Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

KAUGNAY NA VIDEO:

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.