PatrolPH

Night classes balik na rin sa ilang paaralan; seguridad isinasaalang-alang

Reiniel Pawid, ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2022 02:14 PM | Updated as of Aug 18 2022 02:44 PM

alt

Balik-eskuwela na ngayong linggo ang magkakaibigan na sina Chelsea Fernandez, Louigie Bejerano at Angel Go.

Second-year architecture students sila sa isang unibersidad sa Maynila at kabilang sa mga estudyante sa kolehiyo na may pasok sa gabi.

"Medyo mahirap. Sanay kaming mga kabataan na umuuwi ng maaga," ani Fernandez sa karanasan.

Hindi tulad ni Fernandez na "2 minute walk" lang ang inuupahang kuwarto sa paaralan, umuuwi pa sa Tondo si Go.

Hinahatid siya ng mga kaibigan sa paradahan ng jeep, lalo't alas-8:30 ng gabi ang tapos ng kanilang klase.

"Nakakakaba kasi babae [ako]. Madaling mabastos, ganoon," kuwento ni Go.

Mas pinili naman tumira sa condo ni Bejerano dahil bukod sa malapit sa kanilang eskuwelahan, may security guard ito.

Sa muling pagpapatupad ng face-to-face classes, balik na rin sa night classes ang mga unibersidad at kolehiyo kaya isa sa pangunahing agam-agam ng mga magulang pati estudyante ay ang seguridad ng mga mag-aaral.

"Sana may mga patrol din na umiikot para hindi sila kabahan at ako hindi ko isipin na kung nasaan na siya," anang magulang na si Dina Ariola.

"Nakakatakot kasi mayroon pa rin snatchers. Siyempre halos wala pang trabaho 'yong mga tao... ang puntirya nila is estudyante," sabi naman ng magulang na si Cris Opado.

Ayon sa Philippine National Police, 23,000 pulis ang ipakakalat sa buong bansa, partikular sa mga lugar na malapit sa mga paaralan.

Tutol naman ang ina na si Ais Olpindo sa night classes.

"Sana bigyan nila (gobyerno) ng safety kasi kung in-open ng gabi, parang hinayaan pa nila ang mga gang na 'yan na mang-kidnap," aniya.

Sa Pasay City, tiniyak ng isang maritime school na may roving guards sa kanilang paaralan.

Nakipag-ugnayan din ang paaralan sa pulisya para sa seguridad ng mga lugar sa palibot nila.

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.