PatrolPH

Mga opisyal ng Colegio de San Lorenzo humarap sa DepEd-NCR

ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2022 04:52 PM | Updated as of Aug 18 2022 07:20 PM

Watch more News on iWantTFC

Humarap ngayong Huwebes sa tanggapan ng Department of Education-National Capital Region ang mga opisyal ng Colegio de San Lorenzo (CDSL) sa Quezon City upang magpaliwanag sa biglaang pagsasara ng eskuwelahan.

Ang isa sa mga may-ari na si Bembong Balgan ay dating alkalde ng Macabebe, Pampanga at kasama rin sa board of trustees ng kolehiyo.

Magugunitang maraming magulang at estudyante ang nagreklamo nang biglang ianunsiyo ng CDSL ang permanent closure nito noong Lunes, na dapat sana'y unang araw rin ng klase.

Hinaing ng mga magulang ay bakit tumanggap pa ng bayad ang kolehiyo kung may plano pala itong magsara.

Ayon kay RJ Taganas, director ng CDSL student affairs office, hinabol hanggang sa huli ng eskuwelahan na maabot ang target na bilang ng mga estudyante.

Nasa 2,400 ang bilang ng mga enrollee sa CDSL bago ang pandemya. Pero ngayo'y nasa 600 na lang ito, ayon kay Taganas.

Samantala, unti-unti nang binabalik ang bayad ng mga magulang sa matrikula. Noong Miyerkoles, 100 sa 600 enrollees sa kolehiyo ang nakatanggap na ng tseke.

Isang estudyante naman ang nagsumbong na pinapapirma umano sila ng waiver na bawal magreklamo laban sa eskuwelahan kapag natanggap na ang tseke.

Dahil sa nangyari, bumuo ng task force ang DepEd para tutukan ang kaso pati ang mga estudyante at empleyadong apektado ng biglaang pagsasara.

— Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.