PatrolPH

Sekyu sumuko matapos barilin ang hinihinalang akyat-bahay sa Maynila

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2021 06:29 AM | Updated as of Aug 18 2021 06:31 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA—Sumuko sa mga pulis ang 40 anyos na security guard matapos makabaril sa Quiapo Martes.

Naka-duty ang guwardiya sa pinapasukang ladies’ dormtel sa Legarda Street bandang alas-10 ng gabi nang lapitan siya ng isang lalaki.

Armado siya ng ice pick at akmang sasaksakin niya ang guwardiya kaya lumaban ito at naghagis ng upuan.

Pero muli umano siyang susugurin ng lalaki, kaya binaril na niya ito gamit ang kaniyang service firearm.

Isang tama ng bala sa katawan ang agad ikinamatay ng lalaki. 

Sa CCTV na nakuha ng Manila Police District Homicide Section, kita ang pagpasok sa lugar ng lalaki na umano'y akyat-bahay pala. 

Narekober din sa crime scene ang patalim na bitbit niya.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang sumukong guwardiya na sinampahan ng kasong homicide.

Tumanggi na siyang magbigay ng pahayag.

Ayon kay Police Capt. Philipp Ines ng MPD public information office, piskalya na ang magdedesisyon kung masasabing self-defense ang ginawang pamamaril ng guwardiya base sa mga ebidensyang nakalap.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.