PatrolPH

Pondo para sa 'ECQ ayuda' natanggap na ng mga LGU sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2021 01:41 PM

Watch more on iWantTFC

Natanggap na ng mga local government unit (LGU) sa Laguna ang pondo mula sa national government para sa ayuda ng mga apektado ng ipinatutupad na enhanced community quarantine (ECQ).

Sa bayan ng Pakil, 4 distribution team kasama ang mga pulis at sundalo ang nagbahay-bahay para ibigay ang ayuda.

Ang mga barangay ng Baño at Rizal ang bibigyan ng ayuda ngayong Miyerkoles, sabi ni Pakil Mayor Vince Soriano.

Sa Huwebes naman sisimulang ipamahagi ang ayuda sa Santa Rosa City, ayon kay Mayor Arlene Arcillas.

Ayon kay Arcillas, P341 milyon ang natanggap ng lungsod, pero kulang pa ito kaya dadagdagan ito ng P124 milyon ng LGU.

Sa Biñan, sa Huwebes din gagawin ang pamamahagi ng ayuda, sabi ni Mayor Arman Dimaguila.

Kulang din umano ang natanggap ng lungsod na P305 milyon, kaya magdadagdag din ang lokal na pamahalaan.

Sa Cabuyao City, hindi rin daw sasapat ang halos P300 milyon na ibinigay ng national government.

Ayon kay Cabuyao City Mayor Mel Gecolea, pinaaaprubahan na niya ang P65 milyon dagdag-pondo para sa ayuda.

Noong nakaraang Huwebes, halos 1 linggo mula nang ilagay sa ECQ ang Laguna, nakapanayam ng ABS-CBN ang ilang residente ng probinsiya, na dumadaing dahil hindi pa agad naibigay ang ayuda sa kanila.

Inilagay sa ECQ ang Laguna simula Agosto 6 dahil sa pagsipa ng mga kaso ng COVID-19 sa harap na rin ng banta ng mas nakahahawang Delta variant ng coronavirus. Magtatagal ito hanggang Biyernes, Agosto 20.

— Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.