PatrolPH

Pasay City General Hospital di muna tatanggap ng COVID cases

Anjo Bagaoisan , ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2021 06:34 AM | Updated as of Aug 18 2021 06:54 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA—Hindi na muna makatatanggap ng mga bagong pasyente ang Pasay City General Hospital para sa mga kaso ng COVID-19 matapos mapuno ang mga ward nito para sa COVID.

Inanunsyo ng ospital noong Martes na sumobra na ang kapasidad ng kama sa kanilang intensive care unit (ICU), emergency room, at COVID-19 ward dahil sa mga dumating na severe at critical cases.

Sa memo ng officer-in-charge ng ospital na si Dr. John Victor De Gracia, hindi sila maaaring lumagpas sa hinahawak nitong COVID cases dahil maaaring maapektuhan din ang serbisyo nito para sa mga pasyenteng walang COVID. 

Ang Pasay Gen ang tanging pampublikong ospital sa lungsod.

Bago pa ito, pansamantala na ring itinigil ng ospital ang OB-GYN services nito hanggang sa katapusan ng Agosto dahil sa pagtaas ng mga kaso ng mga medical officer na nagka-COVID.

Itinaas din ng ospital ang kanilang COVID bed capacity sa 52 at mga kama sa ICU sa 14 bilang bahagi ng kanilang Phase 3 surge contingency measures.

Para sa mga naghahanap ng ospital, maaaring makipag-ugnayan sa One Hospital Command Center sa mga numberong (0919) 977-3333, (0915) 777-7777 at (02) 8865-0500.

Nitong Martes, nakapagtala ng 683 active COVID cases sa Pasay.

Ilan pa sa mga ospital na nag-anunsyong puno na ang kanilang COVID-19 beds ang Ospital ng Muntinlupa noong linggo at ang Asian Hospital and Medical Center sa Alabang noong Martes. 

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.