Mga biktima ni Ulysses, siyam na buwan nang nakatira sa evacuation center

ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2021 09:11 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Siyam na buwan matapos manalasa ang bagyong Ulysses sa Metro Manila, may mga Pilipino pa rin ang hanggang sa ngayon ay hirap na makabangon.

Sa covered court ng Barangay Bagong Silangan sa Quezon City, hindi bababa sa 16 na pamilya ang hanggang sa ngayon ay sa mga tent pa rin nakatira matapos masira ang kanilang mga bahay noong kasagsagan ng bagyo noong Nobyembre, 2020.

Isa sa mga naging biktima ng bagyo ay ang pamilya Hemido. Ang pitong miyembro ng kanilang pamilya ay nagsisiksikan sa modular tent. Wala pa silang pera para mapaayos ang kanilang bahay. Kasama niya sa tent ang mga anak at apo na may edad 2 taong gulang pataas.

Ayon kay Rafael Hemido, 71-anyos, naglalako siya ng gulay o kaya paminsan-minsan ay namamasukan bilang mekaniko para lang may pantustos sila sa pagkain nila sa araw-araw.

“Hindi kami nakauwi dhail sira yung bahay namin at walang budget ipagawa, kung ipagawa natin nasisira rin tuwing baha. Relocation na sana para hindi taon-taon pumupunta kami sa barangay,” sabi ni Mang Rafael.

Nananawagan rin ng kahit anong ayuda si Rosana Guban, 64-anyos, lalo na’t hindi na siya makapagtrabaho dahil sa edad. Ayon sa kaniya, nagkakasakit na sila sa evacuation center kaya panawagan nila na sana ay mabigyan sila ng mga gamot.

“Matagal na po kami dito, biktima kami ng bagyong Ulysses. November 12 pa po yung hanggang ngayong nandito pa po kami. Mag-iisang taon na po, nagiba talaga bahay namin. Kailangan namin ng relocation. Ang sabi nila sa barangay irerelocate kami pero hanggang ngayon ay nandito pa rin kami. Wala kami tulong na natatanggap dito. Kahit relief na lang. Nagkakasakit na ang mga bata dito kahit gamot lang walang nagbibigay dito,” sabi ni Guban.

Ayon kay Barangay Chairman Willy Cara, matagal na silang nakipag-ugnayan sa National Housing Authority para maasikaso ang relocation ng mga apektadong pamilya.

Limang beses na aniya nagpunta sa lugar ang NHA para sa screening at sinabing pasado na for relocation ang mga pamilya. Sa ngayon ay naghihintay na lang ang barangay kung kailan maihahatid sa relocation sites ang mga apektadong pamilya.

- TeleRadyo, 18 Agosto 2021