MAYNILA — Wala umano sa lugar ang galit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Commission on Audit (COA) kaugnay ng ulat nito sa Department of Health (DOH) hinggil sa kwestyonableng paggastos sa higit P60 bilyong pandemic funds.
Ayon kay dating COA commissioner Heidi Mendoza, mas dapat na tingnan ang COA bilang katuwang ng pamahalaan.
"Leaders of the world respect the supreme audit institution. Ang COA po ang supreme audit institution. Nasa Constitution po yan... Wala pong basehan ang galit. Misplaced ang galit," giit ni Mendoza, na dati ring na-appoint bilang Under-Secretary-General ng United Nations Office of Internal Oversight Services.
Biro pa niya, mistulang "guardian angels" ang COA na nakatutok sa balikat ng mga public official at tagasabing maghanap ng mga patunay kung paano ginagastos ang pera ng taumbayan.
Dagdag ni Mendoza, bagama't may basehan para sabihing hindi naman ninakaw ng DOH ang pondo, hindi rin dapat balewalain ang compliance audit dahil ito'y accountability document.
"Itong papel na ito ang nagpapakita kung anong nature ng proyekto o payment na ginawa. Itong papel na ito ang pinakaresibo o nagpapakita sinong binayaran, nasaan sila at ano ang kanilang katungkulan. Aba'y para malaman naman natin kung yung mga binayaran ay qualified," hirit ng dating opisyal.
Wala rin aniyang dapat ikatakot ang COA, nagalit man si Duterte, dahil ginagawa lang nito ang kanilang mandato.
"Hindi dapat matakot and I know hindi natatakot yung mga taga-COA. At the end of the day, ito nga po ang sinasabi ko, 'who holds the power of the pen?' Kung meron silang power of the purse, ang COA may power of the pen."
Nauna nang sinabi ng COA na ginagawa lamang nila ang kanilang tungkulin alinsunod sa Saligang Batas.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, COA, Commission on Audit, DOH, Heidi Mendoza, COA commissioner, pondo, COVID19, covid funds