MAYNILA - Umapela ang samahan ng mga meat processors sa bansa na huwag nang idamay ang mga sangkap na ginagamit sa paggawa ng processed meat sa import ban ng mga chicken products galing sa bansang Brazil.
Damay ang mechanically deboned chicken (MDM) sa import ban na ipinatupad ng Department of Agriculture mula Brazil.
Ang MDM ang isa sa pangunahing raw materials na ginagamit sa paggawa ng mga de lata gaya ng meat loaf at iba pang processed meat.
Paliwanag ng Philippine Association of Meat Processors, Inc., kinakapos na ang suplay ng delata sa mga imbentaryo ng mga supermarket at warehouse.
"We have more or less 6, 7 weeks where we will not feel anything. Beyond that, you will already go to the supermarkets and you will not have products to buy," ani PAMPI Spokesman Rex Agarrado.
Maaalalang naglagay ng ban ang DA sa poultry items na galing Brazil, matapos makitaan ng China ng COVID-19 ang ilan sa mga samples ng mga karneng manok galing dito.
Ika-2 pangunahing supplier ng bansa sa mga parte ng manok ang Brazll, ayon sa PAMPI, kaya kapag itinuloy pa ang ban dito, asahan umano ang shortage sa processed meat products gaya ng meatloaf, hotdog, at iba pang produktong gawa sa manok.
Ayon sa Department of Agriculture, may iba pa namang supplier na maaaring pagkuhanan ang bansa pero pag-aaralan pa rin nila ang apela ng PAMPI.
“Pag-aaralan po natin yung mga isusumite na dokumento po ng Brazilian government, pag-aaralan po natin. Kung makita po natin na safe yung pagproseso nila ng mechanically deboned meat, puwede po natin payagan yun," ani Bureau of Animal Industry Director Ronnie Domingo.
Para sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) dapat magkaroon ng first border facility para masilip ang mga shipment ng processed meat na pumapasok sa bansa.
Disyembre 2019 nang aprubahan ng gobyerno ang pagkakaroon ng pasilidad pero hindi pa raw ito ipinapatupad.
“Ang problema up to now, hindi na-install iyon, so ibig sabihin, wala tayong pasilidad to check iyong mga produkto kung positive or contaminated ng other diseases of virus. So iyon ang kailangang gawin ng government, maglagay ng facility na ma-check ng DA and FDA iyong mga product na pumapasok sa ating bansa sa port of entry," ani SINAG Chairman Rosendo So.
-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, TV Patrol, coronavirus, COVID-19, coronavirus Philippines update, COVID, coronavirus disease Philippines, COVID-19 Philippines update, COVID-19 meat, COVID-19 meat products, meat products Brazil, Brazil chicken COVID-19