Naghahanda na ang mga nagtatrabaho sa sektor ng pampublikong transportasyon sa muling pagbaba ng Metro Manila sa general community quarantine, ngayong papayagan na ang pagpasada ng mga pampublikong sasakyan.
Nagdagdag ng mga bagong ruta ang mga UV Express at mga traditional jeepneys, ayon sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board.
Aabot na sa 51 ruta ang seserbisyuhan ng UV Express. Aabot naman sa 1,621 units ang papayagang pumasada.
Samantala, aabot sa 12,443 jeepneys ang papayagang pumasada sa 126 na ruta.
Umaasa naman ang LTFRB na sasapat ang bilang ng mga bibiyaheng sasakyan.
"Based on our projection… It might be sufficient… as the economy would open up slowly dumadagdag 'yung mga tao na bumibiyahe dahil nagtatrabaho dahil kailangan bibili dahil that is how the eocnomy works,” ani LTFRB chairman Martin Delgra.
Pero ang grupo ng mga jeepney driver na kinabibilangan ni Ruel Vanguardia sa Guadalupe, Makati dumadaing dahil wala pambili ng mga gamit para makasunod sa health and safety protocol kaya hinndi pa makabiyahe.
"Hindi pa po talaga kasi una maglagay pa po ng plastic tapos 'yong... wala na ngang pambili ng alcohol, scanner pa kaya?" ani Vanguardia.
Naglilinis na rin ang mga nagtatrabaho sa Philippine Integrated Terminal Exchange (PITX).
Nakahiwalay rin ang lugar kung saan ipinoproseso ang mga OFW na ihahatid sa probinsiya.
Ang mga empleyado, idinaan ngayong Martes sa rapid test.
“Gusto natin siguruhin di lang mga empleyado dito pati na mananakay, alam mo malaki obligasyon natin dahil tayo ay isang public facility. We have to make sure na everybody in this terminal are safe from this virus,” ani PITX Corporate Affairs and Government Relations head Jason Salvador.
Sa MRT-3, tatlong beses sa isang linggo ang disinfection.
Tinapos na rin ang test run ng mga tren para mas marami ang mapatakbo.
Naka-full gear rin ang mga empleyadong sasalubong sa mga pasahero, at nasa 40,000 pasahero ang mapapasakay sa mga tren.
Nasa 60 pa kasi ang manggagawa sa MRT-3 ang itinuturing na active COVID-19 cases kaya mahigpit nilang ipinapatupad ang “no face mask, no face shield, no entry” sa MRT-3.
“Wag papasukin! Simple as that may mga pulis naman tayo dun… minsan alam o yung P20 to P25 na shield sabihin na P50 yan ba ay katumbas ng buhay ng tao?” ani MRT-3 Director Mike Capati.
Magbabalik na rin ang domestic flights at Grab Car services oras na maging epektibo ang GCQ.
— Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, coronavirus, COVID-19, coronavirus Philippines update, COVID, coronavirus disease Philippines, COVID-19 Philippines update, TV Patrol, general community quarantine, GCQ, Metro Manila GCQ, transportation, transportation COVID-19, COVID-19 transport