Matapos ang 14 araw na MECQ: Quarantine sa Metro Manila, karatig-lugar luluwagan

ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2020 01:31 PM

MAYNILA - Magbabalik na sa general community quarantine ang Metro Manila at ang ilan pang karatig-lugar matapos isailalim sa 14 araw na mas mahigpit na lockdown simula Agosto 19.

Ito ay matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng pandemic task force ng bansa na luwagan ang lockdown sa mga nabanggit na lugar, na isinailalim sa 14 araw na modified enhanced community quarantine.

Kasama sa mga lugar ang Metro Manila, Bulcan, Laguna, Cavite, at Rizak.

Sa GCQ, pinapayagan ang mas maraming industriya na magbukas, kabilang na ang pampublikong transportasyon, dine-in sa mga restoran at 30 porsiyentong kapasidad para sa religious gathering.

Una nang inanunsiyo ng gobyerno na naka-GCQ hanggang Agosto 31 ang Nueva Ecija, Batangas, Quezon, Cebu City, Lapu-Lapu City, Mandaue City, Talisay City, at mga bayan ng Minglanilla at Consolacion sa Cebu.

Naka-modified GCQ naman ang nalalabi pang bahagi ng bansa.

Ayon sa Joint Task Force COVID Shield, dapat asahan ang mas mahigpit na pagpapatupad ng quarantine protocols.

Sa Teleradyo, sinabi ni Joint Task Force COVID Shield commander Col. Guillermo Eleazar na tuloy-tuloy ang modified checkpoints.

Paiigtingin din aniya ang pagtatalaga ng pulis katuwang ang mga barangay tanod at mga force multiplier para sitahin ang mga lalabag sa quarantine protocols lalo na sa hindi pagsuot ng face mask, paggamit ng face shield at physical distancing.

Natuwa naman ang ilang manggagawa sa muling pagsasailalim sa GCQ lalo na’t marami ang kailangan pang maghanap-buhay.

“Hindi tayo sa COVID mamatay kundi sa gutom, nasa loob ka ng bahay kikita kaba? Kawawa pamilya mo,” pahayag ni Juancho, tagahakot ng basura.

“Sang ayon ako na gawing GCQ ang sitwasyon ngayon, kasi maingat naman kami dito,wala akong makitang dahilan para higpitan pa kami sa biyahe, isa pa kailngan rin namin bumiyahe at kumita para masuportahan ang pamilya namin,” ani Roy, isang tricycle driver.

Pero anila, mahalagang mapairal nang husto ang mga safety protocol para hindi na lumobo ang bilang ng mga kaso ng COVID-19.

“Kanya-kanyang ingat nalang, kasi ang dami nang nahihirapan ngayon e, ako nga nagtitiyaga ako dito magdamag ako dito kasama mga anak ako kasi wala na kami makain eh,” ani Tina, isang tindera.

Ayon sa pinakahuling tala ng Department of Health, nasa 164, 474 na ang kabuuang bilang ng mga naitalang kaso nila ng COVID-19, matapos makapagtala ng dagdag na 3314 cases kahapon.

Karamihan sa mga naitalang bagong kaso ng COVID-19 ay sa NCR, Laguna, Cavite Rizal at Bulacan

— May ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.