Ilang guro at empleyado ng paaralan ang naghahanda ng module para sa paparating na pasukan sa Geronimo Santiago Elementary School sa Maynila noong Hulyo 21, 2020. Ito'y para sa isasagawang blended learning para sa paparating na pasukan. Jonathan Cellona, ABS-CBN News
MANILA - Nananawagan ng donasyong A4 o long bond paper ang isang guro sa Mayamot National High School sa Antipolo City para makatulong sa pag-print ng module para sa distance learning sa paparating na pasukan.
Tinawag na "One Ream for a Cause," mahalaga ang proyekto para makatulong sa pag-aaral ng higit 5,000 estudyante doon ngayong may pandemya, ayon kay Jerome Hilario, isang guro sa naturang paaralan na namumuno sa donation drive.
Dagdag pa ni Hilario, na nagtuturo ng subject na English at research sa senior high school ng paaralan, mahirap ipatupad ang online distance learning dahil hindi lahat ng estudyante at guro doon ay may kagamitan o kakayahan para sa naturang paraan ng pagtuturo.
"Teachers are tirelessly working in the middle of the pandemic... We're trying our best and exhausting all means to look for [ways] to communicate with the learners and [their] parents," ani Hilario sa panayam sa ABS-CBN News nitong Lunes.
Bukod sa bond paper, humihingi rin ng donasyong expandable plastic envelopes para sa pag-distribute ng mga module ang guro.
Maaaring i-contact si Hilario para sa mga donasyon sa kanyang numero 0939-357-9999, o e-mail: jerome.hilario@deped.gov.ph.
Importante ang donation drive para sa kapakanan ng mga estudyante, diin niya.
"If printed modules will be available for them, they could still learn at the confines of their homes and be able to see that their condition is not actually a hindrance to succeed in life."
Inanunsyo ng Department of Education (DepEd) noong Biyernes na ililipat sa Oktubre 5 ang pagbubukas ng mga klase sa pampublikong paaralan, na naka-schedule sana sa Agosto 24.
Ang desisyon ay makatutulong para mas makapaghanda pa ang mga guro, paaralan, estudyante at magulang sa gitna ng mga umiiral na lockdown sa ilan pang bahagi ng bansa, ani DepEd Secretary Leonor Briones.
Nauna naman nang sinabi ng DepEd na nakapagpalabas na ito ng pondo sa kanilang regional offices para sa pag-print ng learning modules sa paparating na pasukan.
Inamin ni Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan na posible na nagkaroon ng delay sa distribusyon ng naturang pondo sa mga eskuwelahan.
"Nagbaba talaga kami ng pondo sa regions. Maaaring hindi pa umabot sa kaniyang eskuwelahan," ani Malaluan sa TeleRadyo noong Agosto 11.
Nasa P9 bilyon ang ibinigay ng ahensya sa mga opisina ng school divisions para makatulong sa pagpapatupad ng blended learning, kasama na rito ang pag-print ng module.
-- may ulat mula kay Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Donation drive, Mayamot National High School, distance learning, DepEd, Tagalog news, public service, Antipolo City, One Ream for a Cause, modular learning