PatrolPH

COVID-19 cases inaasahang bababa sa susunod na 2-3 linggo: grupo

ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2020 06:49 PM

MAYNILA — Inaasahan ng grupo ng mga doktor na mababawasan na ang COVID-19 cases sa susunod na dalawa o tatlong linggo.

Sabi sa TeleRadyo ni Dr. Maricar Limpin, pulmonologist at vice president ng Philippine College of Physicians, malalaman sa susunod na dalawa hanggang tatlong linggo ang epekto ng ipinatupad na modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila.

Ayon kay Limpin, mas komportable na sila ngayong babalik na sa GCQ ang NCR dahil may mga konkretong plano na umano ang gobyerno.

"Medyo mas comfortable na ho kami kapag ganito yung plano at ma-implement po yung plano nang mas maige at ma-expect ho namin na bababa na yung mga kaso ng COVID-19. Hindi lang po natin talaga ma-expect mangyayari agad-agad," ani Limpin.

Nagpaalala naman si Limpin na magsuot lagi ng face mask, face shield at mag-physical distancing kahit nasa loob ng bahay.

Paliwanag ni Limpin, community transmission ang lumilitaw na main source ngayon ng impeksyon gaya sa mga palengke at pami-pamilya ang nagkakasakit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.