Mga kaso ng dengue dumoble sa Taguig: DOH

ABS-CBN News

Posted at Aug 18 2019 05:23 PM | Updated as of Aug 18 2019 06:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Dumoble ang mga naitalang kaso ng dengue sa Taguig sa unang 8 buwan ng taon, kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon, ayon sa Department of Health (DOH).

Kasabay ito ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng dengue sa 9 iba pang mga lungsod sa Metro Manila.

Mula Enero hanggang Agosto 3, naitala ang 490 kaso ng dengue sa Taguig, mataas ng 102 porsiyento mula sa 243 kaso noong nakaraang taon, ayon sa DOH.

Pumangalawa ang Malabon na may 513 kaso ngayong taon mula 282 noong 2018.

Nagkaroon din ng pagtaas sa mga kaso ng dengue sa mga lungsod ng Las Piñas, Makati, Mandaluyong, Muntinlupa, Navotas, Parañaque, Pasay, at San Juan, sabi ng DOH.

Umabot na sa 10,349 ang kaso ng dengue sa Metro Manila kabilang ang 45 pagkamatay.

Quezon City naman ang nakapagtala ng pinakamaraming pagkamatay. Sa kabila nito, bumaba naman ang mga kaso ng dengue sa lungsod ngayong taon.

Nakapagtala ang Quezon City ng 3,502 kaso mula Enero hanggang Agosto 10, mas mababa ng 15 porsiyento sa 4,520 kaso noong nakaraang taon, base sa datos ng Quezon City Health Office.

Nakatakdang lagdaan sa Martes ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang isang memorandum order na naghihikayat sa mga paaralan na pagsuotin ang mga estudyante ng anti-mosquito patch pangontra sa mga lamok na may dala ng sakit.

Tiniyak naman ni Health Secretary Francisco Duque III na sapat ang suplay ng dugo at handa ang mga ospital sa posibleng pagdami ng mga pasyente ng dengue.

Nakatakdang makipagpulong ang DOH sa mga alkalde ng Metro Manila para ilatag ang mga hakbang upang maibsan ang paglobo ng mga kaso ng dengue.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.